Mas mahigpit na regulasyon sa operasyon at pinaigting na monitoring kasama ang law enforcement agencies ang nakikitang solusyon ng PAGCOR para matigil ang iligal na operasyon at ‘social ills’ na dala ng POGO.
Ito ang sinabi ni Atty. Renfred Tan, Senior Manager ng Policy Development & Regulatory Division, Offshore Gaming Licensing DeparTment ng PAGCOR sa pagtalakay ng resolusyon sa Kamara na nananawagan para tuluyang ipagbawal ang POGO sa Pilipinas dahil na rin sa mga nagsulputang krimen kaugnay nito.
Sa ngayon aniya nagpatupad na sila ng reporma sa registration gaya ng pagtataas sa authorized capital stock at paid up capital sa 100 million pesos at 25 million pesos mula sa dating 15 million at 3 million.
Naging site specific na rin aniya ang operasyon ng POGO, ibig sabihin nakalagay sa lisensya ang eksaktong lokasyon ng POGO site kabilang ang unit o floor number at building. Ano mang operasyon sa labas nito ay iligal na.
Nagsasagawa na rin aniya sila ng probity check o background check sa POGO operator bago pa bigyan ng lisensya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes