Kailangan pang pag-aralang mabuti kung nararapat na bang magdeklara ng State of Lawlessness sa Marawi City kasunod ng bombing incident nitong linggo sa Mindanao State University (MSU) ayon kay Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa.
Sinabi ni Dela Rosa na bagamat parehong act of terrorism ang nangyari nitong linggo at Marawi Seige noong 2017 ay maituturing pa ring mas malala ang Marawi Seige dahil isang buong siyudad ang inatake at nanatili sa lugar ang pwersa ng mga terorista kaya kinailangan magdeklara ng State of Lawlessness.
Aminado naman ang senador, na PNP chief nang mangyari ang Marawi Seige, na posibleng nagkaroon ng failure of intelligence kaya nangyari ang pambobomba sa MSU.
Gayunpaman, hindi pa rin aniya masisi ang ating security forces kung nalusutan man sila ng mga terorista.
Sa kabila naman ng mga impormasyon kung sino ang nasa likod ng insidenteng ito ay sinabi ni Dela Rosa na dapat kumalma muna ang mga taga-Marawi, lalo na ang mga estudyante.
Sa ngayon ay nagpadala na aniya ang PNP BARMM ng dagdag na mga pulis sa lugar at pinayuhan, aniya ni Dela Rosa, ang PNP na paigtingin ang police presence doon.| ulat ni Nimfa Asuncion