Hindi na ituturing na opsyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagpapalakas ng kapabilidad sa kanilang hanay kundi isa nang pangangailangan.
Ito ang binigyang-diin ni AFP Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. sa kaniyang talumpati kasabay ng pagdiriwang ng ika-88 anibersaryo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas kahapon.
Ayon kay Brawner, bukod sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya, lilikha rin sila ng mga yunit na makasasabay sa hinihingi ng panahon.
Kabilang na rito ang paglikha ng AFP Joint Special Operations Command, reorganisasyon ng AFP Presidential Security Command at muling pagtatatag ng AFP Counter-Intelligence Group.
Patatatagin din aniya ang reserve force kasabay ng organic at regular force ng AFP upang mapanatili ang territorial defense operations nito at pagaganahin din ang AFP Cyber Command upang paigtingin ang pagbabantay nito sa cyberspace. | ulat ni Jaymark Dagala