Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang mga Lokal na Pamahalaan na magpasa ng mga ordinansa hinggil sa paggamit ng mga paputok ngayong Pasko at Bagong Taon.
Ito’y bilang bahagi na rin ng pag-iingat at upang maiwasan na rin ang mga naitatalang fireworks related injuries sa mga panahong ito.
Ayon sa kalihim, mas mainam kung magtatalaga na lamang ang mga LGU ng common spaces gaya ng plaza at iba pang designated areas kung saan maaaring gumamit ng mga pailaw at fireworks display.
Sinabi naman ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo na nagbigay na ng direktiba si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga commanders on the ground na mag-ikot upang supilin ang mga iligal na gumagawa ng mga paputok.
Batay aniya sa pinakahuling datos ng PNP, nasa 28 firecracker manufacturers at 95 na mga dealers nito ang nabigyan na ng permit at isasailalim sa random inspection. | ulat ni Jaymark Dagala