Nagpapatuloy ang hakbang ng economic team na makakumbinsi ng mga investors sa Japan upang maglagak ng negosyo sa bansa.
Sa panayam ng Philippine Media Delegation kay DTI Secretary Alfredo Pascual, sinabi nitong nagkakaroon sila ng follow up sa mga mamumuhunang una na nilang naimbitahang magnegosyo sa bansa.
Ito partikular ang mga hanggang ngayon ay hindi pa din nakapagdedesisyon o hindi pa nakapagpapapahayag ng kanilang interes upang mamuhunan sa Pilipinas.
Kaugnay nito’y naniniwala naman si Pascual na sa bawat economic briefing na ginagawa nila sa tuwing lumalabas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ng bansa ay mayroong mga traders na sadyang nakukumbinsi sa mga inoorganisang investment promotion.
Sa pamamagitan aniya nito’y naipapaliwanag ang proseso sa pagnenegosyo sa bansa na dito rin ay nailalatag ang mga insentibong maiaalok sa mga investors. | ulat ni Alvin Baltazar