Nanawagan si Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro sa mamamayan na isabuhay ang pagmamahal sa bayan ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal at manatiling nagkakaisa sa pagtatanggol ng soberanya ng bansa.
Ang panawagan ay ginawa ng kalihim sa kanyang mensahe sa bisperas ng paggunita ng “Rizal Day” bukas Disyembre 30, na araw ng pag-aalay ng buhay ng Pambansang Bayani sa kamay ng mga mananakop noong 1896.
Sinabi ni Teodoro na si Rizal ay isang “visionary” at “patriot” na ipinaglaban ang kalayaan ng bansa sa pamamagitan ng salita at “ideals”.
Ayon sa kalihim, ang lakas ng loob at sakripisyo ni Rizal ang naging inspirasyon sa maraming Pilipino na ipaglaban ang kalayaan ng Pilipinas.
Paalala ni Teodoro, tungkulin at responsibilidad ng bawat Pilipino na itaguyod ang soberanya at karapatan ng mamamayan ng bansa, kasabay ng paghimok sa bawat isa na isadiwa ang alab ng pagmamahal sa bayan at itaguyod ang dangal at tapang ng Pilipino. | ulat ni Leo Sarne