Sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na dapat mapalakas ang Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) para epektibong malabanan ang katiwalian sa hanay ng mga pulis.
Ayon kay Cayetano, dapat maramdaman ng mga pulis na may institusyong nagbabantay sa kanila at may kakayahang panagutin sila mula sa pinakamababang ranggo hanggang sa pinakamataas.
Inirerekomenda rin ng senador na ilipat ang IAS sa ilalim ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa halip na sa PNP.
Sa ganitong paraan, anIya ay magiging mas malaya ang IAS na imbestigahan ang anumang kaso nang hindi pinakikialaman o ginagantihan ng sangkot na partido.
Proprotektahan din aniya nito ang mga matuwid na pulis na ginagawa lang ang kanilang trabaho.
Iminungkahi din ni Cayetano na gawing mas mabilis ang promosyon at pagandahin ang sweldo ng mga pulis na magpapasyang maging bahagi ng IAS.
Bukod pa dito ang pangangailangang bigyan ng P5 milyon ang IAS sa tuwing may priority investigation ito na kailangang isagawa. | ulat ni Nimfa Asuncion