Inaprubahan na ng National Human Settlements Board ang 4% increase cap para sa buwanang residential rental rates na P10,000 at pababa, epektibo Enero 1 hanggang Disyembre 31, 2024.
Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang hindi makatwirang pagtaas ng rental fees sa mga pamilyang may mababang income.
Ang inaprubahang NHSB Resolution No. 2023-03 ay nagbibigay ng continuous implementation ng rental regulation sa ilalim ng mga tuntunin at kundisyon na itinakda sa nauna nitong patakaran, NHSB Resolution No. 2022-01, ngunit may pagbabago sa rate increase.
Ang desisyon ay batay sa rekomendasyon ng National Economic and Development Authority na magtakda ng uniform maximum percentage increase sa upper bound ng inflation rate target ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Undersecretary Henry Yap, na ang patakaran ay nirepaso at binago ayon sa latest empirical study, tulad ng Annual Family Income and Expenditure Survey at Census of Population and Housing.
Sinumang indibidwal na mapatunayang lumabag sa anumang probisyon ng batas ay papatawan ng multang P25,000 hanggang P50,000.00 o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan at isang araw at hindi hihigit sa anim na buwan o pareho. | ulat ni Rey Ferrer