Iginiit ni Senador Sherwin Gatchalian na mahalagang tutukan ang mga isyu ng gutom at malnutrisyon kasabay ng pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa bansa,
Ipinunto ng Senate Committee on Basic Education Chairperson, batay sa naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), 12% ng mga mag-aaral na 15 taong gulang sa Pilipinas ang iniulat na pumapasok sa paaralan nang hindi kumakain araw-araw o tuwing makalawa.
Lumabas din sa naturang pag-aaral na may negative correlation (-0.61) sa pagitan ng gutom at performance sa mathematics.
Ibig sabihin, hindi maayos ang performance ng mga batang gutom.
Iginiit ni Gatchalian, na dapat patuloy na hanapan ng iba’t ibang paraan kung paano pangalagaan ang kalusugan ng ating mga mag-aaral.
Kabilang aniya sa mga pangarap ng senador ang pagkakaroon ng universal school meal program para tugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral pagdating sa nutrisyon.
Bagama’t aminado ang mambabatas na kakailanganin ng programang ito ang malaking pondo, magpapatuloy daw siya sa paghahanap ng pondo at iba pang mga paraan para matugunan ang pangangailangan ng mga mag-aaral sa nutrisyon. | ulat ni Nimfa Asuncion