Nakauwi na sa bansa ang pamilya kasama ang mga labi ng yumaong OFW sa Israel na si Paul Vincent Castelvi.
Sa paglapag ng eroplanong sinasakyan ni Jovelle Santiago, asawa ni Paul, agad itong sinalubong ng kanyang ina at biyenan sa NAIA Terminal 3 kahapon.
Dito sinalubong din si Jovelle ng mga opisyal mula Department of Migrant Workers (DMW), Officer-in-Charge nito na si Hans Leo Cacdac, at OWWA Administrator Arnell Ignacio.
Sa mga larawang ibinahagi ng DMW, kitang-kita ang emosyon ni Lilina Castelvi, ina ni Paul, habang yakap ang urn na naglalaman ng cremains ng nasawing anak.
Maliban kay Jovelle, kasama rin nito ang kanilang anak na isang buwang taong gulang pa lamang.
Si Paul Castelvi ay isa sa apat na caregivers na pumanaw noong Oktubre 7, 2023, nang maganap ang pagsalakay ng Hamas rebels sa Southern Israel.
Ayon sa ulat, namatay si Castelvi habang pinoprotektahan ang kanyang pasyenteng Israeli laban sa mga pag-atake ng araw na iyon.
Bago magtungo ng Israel, sampung taon ding nagsilbi bilang isang school bus driver si Castelvi para suportahan ang kanyang mga kapatid at magulang. | ulat ni EJ Lazaro