Nagkaroon ng pagkakataon si Pangasinan Governor Ramon Guico III na makapulong ang ilang mga opisyal mula sa Yeongju City, South Korea.
Partikular na nakausap ng gobernador sa Urduja House ng Capitol Complex sa bayan ng Lingayen noong November 29 sina Mayor Park Nam Seo at Chairman Sim Jae Youn.
Sa kanilang pag-uusap, tinalakay ng mga opisyal ang malawak na oportunidad para sa pamumuhunan na nakatuon sa mga sektor ng agrikultura at turismo.
Matapos naman nito, ang mga delegasyon mula sa South Korea ay nagkaroon din ng pagkakataon na matutunan ang bahagi ng mayamang kultura ng Pangasinan sa pamamagitan ng pagbisita sa pamosong Banaàn Provincial Museum.
Matatandaan na nito lamang November 28, pormal nang sinelyuhan ang International Friendship Agreement sa pagitan ng Yeongju City at bayan ng Rosales dito sa Pangasinan.
Naglalayon itong mapabuti pa ang ugnayan sa pagitan ng mga nabanggit na komunidad at makalikha ng mga oportunidad para sa mga residente hindi lamang ng bayan ng Rosales kundi ng buong probinsya ng Pangasinan. | via Ruel de Guzman | RP1 Dagupan
📷 Province of Pangasinan