Personal na nakumusta at narinig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kuwento at karanasan ng dalawang OFW na nakaligtas sa Hamas group attack sa Israel sa naging pagkikita nila sa Malacañang kahapon.
Isa dito ang caregiver na si Jimmy Pacheco na nabihag ng militant group ng higit sa 40 araw at nakatawid sa peligro sa pamamagitan ng pagkain ng kaunting rasyon ng dates at tubig.
Ang isa namang OFW na si Camille Jesalva na itinuring na instant bayani sa Israel ay kasama rin sa naka-meet and greet ng Pangulo kahapon.
Siya ang OFW na nagpakita ng katapangan, dedikasyon at katapatan sa pamamagitan ng pagtangging iwan ang kanyang 95 taong gulang na employer na si Nitza Hefetz sa panahon ng kagipitan at panganib na kapwa naman nailigtas din ng mga rumespondeng Israel Defense Forces.
Bagama’t mabigat ang pinagdaaanan, inihayag ni Pangulong Marcos na mabuti at nakauwi pa din sina Pacheco at Jesalva sa bansa upang makapagdiwang ng isang maligayang pasko.
Mas maigi ayon sa Pangulo na malaman ng lahat ang kuwento ng karanasan ng mga repatriates gaya nina Pacheco at Jesalva para malaman ng mga tao ang kanilang pinagdaanan habang nabanggit din ng Chief Executive ang pagmamahal ng mga Israeli sa mga Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar