Nagpaabot ng pagbati ang National Security Council (NSC) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay sa inilabas na joint statement ng ASEAN at Japan na nagsusulong ng isang rules-based Indo Pacific Region.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni NSC Assistant Deputy Director Jonathan Malaya, na bunga ito ng pagsusumikap ng Pangulo na mahikayat ang mga bansa na suportahan ang Pilipinas sa posisyon nito na isulong ang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Ang ASEAN countries aniya at ang Japan ay isusulong ang resolusyon na mga ‘di pagkakaunawaan sa rehiyon, sa pamamagitan ng mapayapang paraan na walang halong karahasan o anumang pwersa.
Malaking bagay aniya ito, lalo’t nakikita naman ng lahat na kadalasan tahimik lamang ang ASEAN countries tuwing may nangyayaring insidente sa West Philippine Sea.
“Ikinatuwa ng National Security Council iyong naging bunga ng pagsusumikap ng ating Pangulong Marcos na mahikayat iyong iba’t ibang bansa na suportahan iyong position ng Pilipinas. So this is really a testament to the strength of the position of the Philippines.” —Malaya | ulat ni Racquel Bayan