Tinanggal ng mga pwersa ng gobyerno ang mga floating barrier na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc at Ayungin shoal nitong weekend.
Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. kasabay ng paghikayat sa mga lokal na mangingisda na huwag matakot magtungo sa naturang mga lugar.
Giit ni Gen. Brawner, ang Bajo de Masinloc at Ayungin shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic zone ng Pilipinas kaya “sovereign right” ng mga Pilipino na mangisda sa naturang mga lugar.
Tiniyak naman ni Gen. Brawner, na hindi mawawala sa lugar ang mga pwersa ng gobyerno para pangalagaan ang mga mangingisda.
Matatandaang unang naglatag ng floating barrier ang China sa Bajo de Masinloc noong Setyembre na pinatanggal ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nitong Sabado, muli silang naglagay ng floating barrier para pigilan ang pagpasok ng mga mangingisda sa Bajo de Masinloc at nitong Linggo sa Ayungin Shoal, na kapwa muli ring tinanggal ng mga tauhan ng pamahalaan ng Pilipinas. | ulat ni Leo Sarne