Kinondena ni Speaker Martin Romualdez ang panibagong insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard (CCG) sa tatlong bangka ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea (WPS).
Ani Romualdez ang pag-atake sa mga bangka ng BFAR na Datu Sanday, Datu Bankaw, at Datu Tamblot na nagsasagawa ng humanitarian mission ay isang paglabag sa international norms at direktang humahamon sa soberanya at karapatan ng Pilipinas.
“The use of water cannons and long-range acoustic devices against our vessels, causing significant damage and distress to our crew, is unacceptable and unjustifiable. These actions by the [CCG], in preventing our vessels from conducting a peaceful resupply mission to Filipino fishermen near Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal), demonstrate a brazen disrespect for the rule of law and established international agreements,” aniya.
Pinabatid ng lider ng Kamara sa international community na ang Bajo de Masinloc ay nasa loob ng 370 kilometrong exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas salig sa pinagtibay na 2016 arbitral ruling.
Isang banta rin aniya ito sa human dignity.
“The acts of intimidation and harassment against Filipino fisherfolk, who depend on these waters for their livelihood, are not only a violation of their rights but also an affront to human dignity. To prevent the distribution of humanitarian support, as was the case in this incident, is not only illegal but also inhumane,” sabi ni Speaker Romualdez.
Muli ring umapela si Romualdez sa China na irespeto ang soberanya ng Pilipinas at itigil ang kanilang mararahas na aksyon at mahinanong resolbahin ang isyu.
Kinondena rin ni Speaker Romualdez ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbin na nagbabasura sa House Resolution 1494.
Ang naturang resolusyon ay naghahayag ng pagkondena sa mga iligal na ginagawa ng China sa WPS at humihimok sa gobyerno na ipagpatuloy ang ginagawa nitong pagdepensa sa teritoryo at paggiit na tumalima sa 2016 arbitral ruling.
“China’s rejection of the resolution is disheartening, especially in light of its continued illegal activities in the West Philippine Sea, a clear violation of the Arbitral Award,” sabi ni Speaker Romualdez.
Diin pa ni Romualdez na ang paglalagay ng artificial island at ang militarization sa lugar ay nagpapakita ng pagbabalewala ng China sa international law at nagsisilbing banta sa kaayusan ng rehiyon.| ulat ni Kathleen Jean Forbes