Ipinapanukala ni Senador Sherwin Gatchalian na magkaroon ng isang national legal framework para sa ligtas at maayos na paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas.
Sa Senate Bill 2506, ipinaliwanag ni Gatchalian na sa pamamagitan ng pagbuo ng isang komprehensibong legal framework ay makatitiyak tayong matutugunan ang anumang panganib na maaaring kaakibat ng mga aktibidad na may kaugnayan sa nuclear energy.
Sa tulong rin aniya nito ay magkakaroon ng kumpiyansa at kooperasyon ang publiko.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang Philippine Atomic Energy Regulatory Commission (PAERC) na mapapasailalim ng Office of the President.
Ang komisyong ito ang magkakaroon ng awtoridad sa lahat ng pagbibigay ng lisensya, pagprotekta, at pangangalaga sa mga aktibidad, pasilidad, at materyales na may kaugnayan sa nuclear power.
Imamandato rin ng panukala ang PAERC na aktibong magsagawa ng dayalogo sa publiko para maipaliwanag ang lahat ng impormasyon, gaya ng epekto sa kalusuagn, kaligtasan, seguridad, at kalikasan, ng mga itatayong nuclear installations at radiation facilities.
Ang panukalang ito ay inihain ng senador matapos sabihin ng Department of Energy (DOE) noong budget hearing na ipagpapatuloy ng administrasyon ang pagsusulong ng paggamit ng nuclear energy sa Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion