Inaasahan ni Senate Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros na makatutulong para sa education crisis at learning poverty sa bansa ang magiging pondo ng Department of Education (DepEd) para sa susunod na taon.
Partikular na ipinunto ni Hontiveros ang pondong nalipat mula sa Confidential and Intelligence Fund (CIF) ng DepEd patungo sa kanilang MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses) at iba pang line item budget.
Matatandaang sa naging budget deliberation ng Senado sa 2024 budget ng DepEd kabilang sa mga pinaglipatan ng CIF ng ahensya ay ang kanilang National Learning Recovery Program na layong tugunan ang learning gaps sa mga estudyante na mas pinalala pa ng pagsasara ng mga paaralan dahil sa COVID-19 pandemic.
Samantala, iginiit naman ni Hontiveros na ang pagbibitiw sa pwesto ng sinumang Cabinet official, kasama na si Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ay isang personal na desisyon.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos ang panawagan ng ilan na bitawan na ni VP Sara ang pagiging Education Secretary matapos ang mababang performace ng Pilipinas sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA).
Giit ni Hontiveros, ang bawat miyembro ng gabinete ay nagsisilbi base sa pagiging kontento ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na siyang may appointing authority. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion