Suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang panukalang ipagbawal na ang pagpasok ng Philippine Offshore Gaming Operations o POGO sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng NEDA na nagdudulot lamang kasi ng negatibong epekto ang POGO sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
Mula kasi noong 2019, bagaman nakapagtala ng mataas na ambag ang POGO sa pagsisimula ng kanilang operasyon, unti-unti naman na itong bumababa sa paglipas ng panahon.
Idagdag pa riyan ang sunud-sunod na krimen na naitatala kung saan nasasangkot ang mga mismong nagtatrabaho rito na siya namang nakapagpapasama sa imahe ng bansa.
Binigyang diin ng NEDA na kung magpapatuloy ang operasyon ng POGO sa bansa, malaki ang tsansa na itaboy nito ang mga potensyal na kumpaniyang nais mamuhunan na dapat sana’y makapagbibigay ng trabaho para sa mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala