Isinusulong ni Senador Robin Padilla na mabigyan ng ayuda ang mga biktim ng terorismo gaya na lang ng bombing incident na nangyari sa indanao State University (MSU) sa Marawi City.
Sa inihaing Senate Bill 2511 ni Padilla, ipinapanukalang magtayo ng programang magbibigay ng ganitong tulong sa mga biktima at sa pamilya ng mga nasawi dahil sa anumang terrorism act.
Imamandato rin ng panukala ang pagtatatag ng Terror Victims Assistance program (TVAP) sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan ang mga magiging benepisyaryo ay mga kamag-anak ng mga namatay at ang mga nasugatan.
Paliwanag ng senador, kadalasan kasing ang mga biktima ng terrorism acts na nagtatamo ng pinsala o kaya ang pamilya ng mga nasasawing biktima ay napapabayaan na lang na magbayad ng gastos sa pagpapagamot o kaya pagpapalibing.
Kaya naman nais ni Padilla na mabigyan ng estado ng financial, material, psychosocial at referral support at services ang mga biktima ng terorismo.
Kabilang sa tulong na ipinapanukakang ibigay ay ang financial, burial, material at medical assistance; psychosocial support, at tulong sa rehabilitation.
Ang budget para dito ay manggagaling sa taunang pambansang pondo. | ulat ni Nimfa Asuncion