Pasado sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2441 o ang panukalang Free College Entrance Examination Act.
Sa naging botohan, 22 na senador ang pumabor, walang tumutol at wala ring nag-abstain sa panukala.
Sa ilalim nito ay aalisin na ang entrance examination fees sa mga pribadong higher education institutions (HEIs) para sa mga itinuturing na disadvantaged graduates o mga graduate na makapagpapakita ng potensyal para sa academic excellence.
Sa ilalim ng panukala, ang estudyante ay mae-exempt sa pagbabayad ng exam fees kung siya ay natural born Filipino na kabilang sa top 10 percent ng kanilang graduating class at kung ang kita ng kanilang pamilya ay mababa sa poverty threshold.
Maaaring i-avail ng mga estudyante ang free entrance exam matapos nilang maisumite ang lahat ng requirements ng private higher education institution.
Itinatakda rin ng panukala ang pagbibigay awtoridad sa Commission on Higher Education (CHED) na patawan ng parusa ang private HEI official na hindi susunod sa itinatakda ng panukalang batas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion