Suportado ng toxic watchdog group na BAN Toxics ang panukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na total ban sa paputok.
Ito’y matapos ang panawagan ni DILG Secreyary Benhur Abalos sa mga LGU na magpasa ng mga ordinansa na nagbabawal sa mga paputok sa bahay at iba pang lugar.
Sa isang pahayag, sinabi ni BAN Toxics Campaigner Thony Dizon na mahalagang isaalang-alang ang ligtas na pagdiriwang ng holiday season para sa kapakanan ng mga kabataan at ng komunidad.
“We support a shift to a safer holiday season in the country. We need to remember “safety first” for our children and the community from the health and environmental pollutants from firecrackers,” ani Thony Dizon, Toxics Campaigner of BAN Toxics.
Dagdag pa nito, aabot na sa higit 40 LGUs ang nakapagpatupad ng total o partial firecracker ban mula 2009-2022 kabilang ang Davao City, Bicol, Aurora at Zambales. Kasama rin dito ang ilang LGUs sa Metro Manila gaya ng Makati City, Malabon City, Mandaluyong City, Manila City, Marikina City, Muntinlupa City, Navotas City, Paranaque City, Pasay City, Pasig City, Pateros, Quezon City, San Juan City, Taguig City, at Valenzuela City.
Una na ring naglunsad ang grupo ng ‘Iwas Paputok’ campaign na layong palawakin ang kampanya sa pagtutulak ng isang toxic-free at waste-free Christmas at New Year celebration.
“To ensure a safer celebration for the coming year, BAN Toxics urge the local government officials to enact an ordinance banning the sale and use of firecrackers to safeguard and protect human health, especially that of children and the environment,” pahayag ni Dizon. | ulat ni Merry Ann Bastasa