Inihain sa Kamara ang isang panukala na layong pahabain ang araw ng paternity leave.
Sa House Bill 9731 ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, aamyendahan ang RA 8187 o Paternity Leave Act of 1996 para gawing 15 araw ang paternity leave mula sa kasalukuyang pitong araw.
Ayon kay Rodriguez, 25 taon na ang naturang batas at dapat nang baguhin.
Panahon na rin aniyang ipantay ito sa RA 11210 o Expanded Maternity Leave kung saan mula sa 60 araw ay ginawa na itong 105.
Sa ilalim ng naturang batas, maaaring ibigay ng nanay ang dagdag na 7 araw sa asawang lalaki para maidagdag sa kaniyang paternity leave at maging 14 days pero ito ay optional lamang.
“Seven days is definitely not enough as it is very vital that the father be present in the early days of the life of the child. Hence, this bill which seeks, among others, to grant to male employees a longer paternity leave to give them a longer time to assist their wives and care for their newborns.”, sabi ni Rodriguez sa explanatory note ng panukala.
Sa panukala ni Rodriguez, maliban sa pagpapalawig ng paternity leave, aalisin na rin ang limitasyon ng pag-avail ng leave sa apat na deliveries o panganganak, gayundin ang abortion at miscarriage.
Sakop din nito ang lahat ng male employees anuman ang employment status.
Maaari na rin i-avail ang paternity leave ng isang lalaki na kahit hindi ito kasal sa kinakasamang babae na manganganak, basta’t sila ay nagsasama nang hindi bababa sa dalawang taon at walang legal impediment sa kanilang pagpapakasal.
“The bill also proposes to make the benefit available to a male employee who is not married to the woman who gave birth or suffered an abortion or miscarriage, provided that they have no legal impediment to marry each other during their cohabitation and have been living as husband and wife for at least two years at the time of childbirth, abortion, or miscarriage.” saad sa panukala. | ulat ni Kathleen Jean Forbes