Inihain sa Kamara ang isang resolusyon upang magkasa ng investigation in aid of legislation ang House Committee on Foreign Affairs patungkol sa patuloy na harassment na ginagawa ng Chinese Coast Guard o CCG sa West Philippine Sea.
Tinukoy sa House Resolution 1527 ang pambobomba ng tubig ng CCG sa mga barko ng Pilipinas sa Bajo de Masinloc noong Dec. 9, habang nasa humanitarian at support mission.
Sinundan ito noong Dec. 10 ng isa pang insidente ng harassment mula sa CCG sa mga magsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal sa Palawan.
Nakapaloob din sa resolusyon ang paghimok sa Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na isulong ang “diplomatic actions” sa kaugnay sa panggigipit ng China.
Saad pa sa resolusyon na ang ang agresibong aksyon ng China laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay seryosong banta sa kapayapaan at katatagan sa mga teritoryo ng ating bansa at isang usapin na hindi dapat palagpasin. | ulat ni Kathleen Jean Forbes