Nagbigay ngayon ng ilang tips ang animal welfare group na PAWS sa mga fur-parent para maging ligtas ang selebrasyon ng Bagong Taon sa kanilang mga alagang hayop.
Ayon sa PAWS, kadalasang nagdudulot ng trauma at labis na stress sa mga hayop gaya ng aso at pusa ang malakas na tunog na dulot ng mga paputok.
Para mabawasan ang stress sa kanila, maaaring ilakad na o bigyan ng anumang physical activity sa umaga ang mga alaga para mabilis na silang makatulog sa gabi.
Mas mabuti rin aniyang panatilihin sa loob ng kwarto ang mga ito at ilayo sa mga lugar na maiingay o nagpapaputok.
Tiyakin ding hindi makakatakas ang mga alagang hayop sa labas ng bahay lalo pa’t tumataas din ang kaso ng mga nawawalang alaga kapag Bagong Taon.
Maaari ding makipag-ugnayan sa veterinarian kung bibigyan ang alaga ng anumang rescue remedy o calming edible drops at sila rin ay bigyan ng anxiety vest para mabawasan ang kanilang stress.
Kung may mga makikita namang stray animals, hinikayat din ng PAWS ang publiko na magmalasakit sa mga ito at bigyan ng pansamantalang matutuluyan, pagkain, at tubig upang maging ligtas rin sila sa selebrasyon ng Bagong Taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa