PCG, umalma sa pahayag ng isang mambabatas na kulang ang ginagawa nitong pagbabantay sa WPS

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinalagan ni Coast Guard Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela ang pahayag ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro na hindi sapat ang ginagawang pagbabantay ng kanilang hanay sa West Philippine Sea.

Sa panibagong briefing ng House Special Committee on the West Philippine Sea, natalakay ang panibagong insidente ng pagdagsa ng Chinese vessel sa Julian Felipe Reef.

Nababagalan si Castro sa aniya’y reactive na tugon ng Armed Forces at Philippine Coast Guard sa pagha-harass ng China.

Batay sa huling ulat mula sa 135 na militia ships noong Nobyembre ay nasa 28 na lamang ito ngayong buwan.

Ani Tarriela, sa kabila ng napakalimitadong asset ng Coast Guard ay patuloy silang nagbabantay sa napakalawak na WPS.

Katunayan, nasa tatlong sasakyang pandagat lang ang mayroon ang PCG sa Palawan para magpatrolya.

Maliban dito, nang kanila aniya simulan ang paglalabas ng mga litrato ng pagdagsa ng mga Chinese vessel sa ating teritoryo noong Pebrero ay nagresulta ito sa unti-unti nilang pag-alis sa naturang mga lugar.

Kaya naman ang pagbaba sa bilang ng mga barko sa Julian Felipe Reef ay malaking tagumpay na rin bagamat hindi pa sila kuntento na mayroong nanghihimasok sa ating teritoryo.

Siniguro naman ni Western Command Chief Rear Admiral Alberto Carlos, na mayroon silang sinusunod na operational procedures para harapin ang mga namamataang barko sa ating teritoryo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us