Sa selebrasyon ng Urban Poor Solidarity Week, inilatag ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP ang mga tagumpay nito sa pagpapaunlad ng buhay ng mga nasa sektor ng maralitang tagalungsod.
Sa ulat ni PCUP Chairperson at Chief Executive Officer, Undersecretary Elpidio Jordan, Jr., ipinunto nito ang kanilang pagsisikap para magampanan ang mandato na maging ugnay ng urban poor sa pamahalaan.
Mula Enero, aabot na aniya sa 3,739 kliyente ang napagsilbihan ng PCUP sa pamamagitan ng kanilang public assistance desk.
Nasa 370 urban poor organization na rin ang naaccredit ng komisyon na kinabibilangan ng 44,490 pamilya.
Sa pagpapabilang sa UPOs, makakatuwang na ng PCUP ang mga ito sa pagbuo ng mga polisiya para sa kanilang kapakanan.
Nakapagsagawa na rin ang PCUP ng 398 pre-demolition conference na nagresulta sa relokasyon at tulong sa 1,284 pamilyang mahihirap.
590 kaso na rin ng demolisyon at eviction ang tinutukan ng komisyon kung saan 780 ang na-relocate na o nabigyan ng financial assistance sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Tuloy-tuloy rin ang capacity building program ng PCUP kung saan aabot na halos 600 trainings ang naikasa at napakinabangan naman ng 21,160 miyembro ng urban poor organizations.
Isa pa sa ibinida ni Usec. Jordan ang pagpapalawak sa social preparation kung saan umabot na sa 1,373,504 pamilya ang nabigyan ng mas malawak na access at seguridad sa kanilang pangangailangan partikular sa pabahay at pangkabuhayan.
Samantala, tampok rin dito ang natatanging lingkod-maralita award na iginagawad sa mga indibidwal, grupo, at organisasyon na may malaking ambag sa pagpapalawig ng mga programa at serbisyo ng PCUP.
Kinilala rin ang mga partner national agencies at pribadong sektor na katuwang ng PCUP at sumusuporta sa mga programa nito para sa urban poor. | ulat ni Merry Ann Bastasa