Hindi isinasara ng Pilipinas ang pintuan nito sa China para makipag-diyalogo hinggil sa usapin ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.
Gayunman, iginiit ng National Security Council (NSC) na magiging matagumpay at mabunga lamang ito kung ititigil ng China ang pang-aapi nito gayundin ang mga agresibo at iligal na hakbang na siyang naglalagay sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon sa balag ng alanganin.
Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, wala naman kasing naniniwala sa mga naratibo ng China hinggil sa 10-dash line claim nito at wala ring anumang bansa ang nagpahayag ng suporta rito.
Binigyang-diin pa ni Malaya na ang ugat ng tensyon sa West Philippine Sea ay ang hindi pagsunod ng China sa International Law, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang 2016 Arbitral Award.
Dagdag pa ni Malaya, batid aniya ng buong mundo na hindi ang Pilipinas ang nang-aapi, naghahamon at nagiging agresibo sa West Philippine Sea sa halip, malinaw na ang China ang gumagawa nito.
Magiging tagumpay aniya ang pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at China kung may sinseridad sa bawat panig. | ulat ni Jaymark Dagala