Nagbigay ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. sa lahat ng regional directors, provincial directors, hanggang sa mga chief of Police na palakasin ang kanilang intelligence monitoring.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, hindi magpapakampante ang PNP para hindi malusutan ng mga masasamang loob.
Gayunpaman, sinabi ni Fajardo na walang namo-monitor ang PNP na anumang seryosong banta kaugnay ng mga aktbidad na may kinalaman sa nalalapit na Kapaskuhan.
Ani Fajardo, tuloy-tuloy ang kanilang koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bansa ngayong holiday season.
Matatandaang nitong December 15, itinaas sa Full Alert ang status ng PNP kung saan nasa 39,000 mga pulis ang ipinakalat sa buong bansa para sa law enforcement operations bilang bahagi ng Ligtas Paskuhan 2023. | ulat ni Leo Sarne