Nirerespeto ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang balak na pagkwestyon ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa inaprubahang P5.768 trillion na 2024 national budget.
Una nang sinabi ni Pimentel na pinag-aaralan na nila ang legalidad ng pambansang pondo matapos nitong kwestyunin kung bakit tumaas nang husto ang pondo sa ‘unprogrammed funds’ mula sa P281 billion sa P730 billion.
Ayon kay Zubiri, ang planong pagkwestyon ng kampo ni Pimentel sa 2024 budget sa Korte Suprema ay prerogative nito o karapatan ng minority leader.
Binigyang diin naman ng senate leader na ang mahalaga ay ‘line item’ ang mga ‘unprogrammed funds’ na naghihintay lamang ng budget kapag mayroon nang sobrang pondo mula sa gobyerno.
Paglilinaw pa ni Zubiri, ang batid niyang ipinagbabawal ng Korte Suprema sa budget ay ang mga lump sum katulad ng Development Assistance Program (DAP) na mas kilala noon na pork barrel.
Nauna ring nilinaw ni Senate Finance Committee Chairperson Sonny Angara na walang nilabag sa konstitusyon ang inaprubahan nilang 2024 national budget. | ulat ni Nimfa Asuncion