Mangangailangan ng ₱2 bilyong pisong pondo kada pasilidad ang Bureau of Corrections (BuCor) upang matugunan ang problema ng bansa sa pagsisiksikan ng persons deprived of liberty (PDL) sa mga detention facility sa Pilipinas.
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Justice Assistant Secretary Mico Clavano na depende pa ito sa pangangailangan ng mga pasilidad kada rehiyon.
Ang pondo aniya para sa decongestion effort, partikular para sa pagtatayo ng mga bagong gusali o detention facility ay huhugutin mula sa pambansang pondo, o magmumula sa donasyon ng mga lokal na pamahalaan.
“Ipo-propose po natin iyan sa GAA – especially iyong sa BuCor, we already asked for additional budget to be able to setup these additional jail facilities. Of course, bukas po kami sa mga LGUs na magdo-donate din po ng facility, ng lupa para po makapagtayo din tayo ng regional jails sa mga lugar nila,” ani Asec. Clavano.
Samantala, una na ring sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jayrex Bustinera na kabilang sa jail decongestion efforts ng pamahalaan ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga korte, tulad ng Public Attorney’s Office (PAO), upang mapalaya nang mas maaga ang mga PDL.
Bukod pa aniya ito ang Good Conduct Time Allowance, upang mabawasan ang sentensya at mapalaya ang mga PDL, maging ang koordinasyon sa mga abogado ng PDL, upang mabilis na maproseso ang kanilang paglaya. | ulat ni Racquel Bayan
📸: PCO