Binibigyang paalala ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga may alagang pets o fur-parents na siguraduhin muna ang mga kinakailangang mga dokumento bago isama sa biyahe sa mga pantalan sina Bantay at Ming-ming.
Ayon sa PPA, ang mga pasaherong may mga kasamang alagang hayop sa pagbiyahe ay mangyaring makipag-ugnayan muna sa kanilang pinakamalapit na tanggapan ng Bureau of Animal Industry – National Quarantine Services upang makakuha ng shipping permit at mapayagang maipasok sa mga pantalan at barko ang kanilang mga alaga.
Maaari ring mag-register ang mga pet owners through online sa pagmamagitan ng website na nvqsd.bai.gov.ph.
Kabilang din sa requirements ang pag-secure ng Veterinary Health Certificate na manggagaling sa inyong mga beterinaryo na naglalaman ng mga impormasyon tulad ng mga bakunang tinanggap ng mga fur babies.
Ngayong holiday season, inaasahan na ng PPA ang dagsa ng mga pasaherong uuwi sa kanilang mga probinsiya sa pamamagitan ng mga pantalan, kasama na ang mga daungang nasasakupan ng PPA.
Kaya naman patuloy ang ahensya sa mga paalala tulad nito upang maiwasan ang anumang aberya sa biyahe sa panahong ito. | ulat ni EJ Lazaro