Naramdaman na ang bahagyang pagtaas sa presyo ng mga bilog na prutas sa ilang pamilihan sa Quezon City.
Napansin ito ilang araw bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Sa Farmers Market sa Cubao Quezon City, nasa P280 hanggang P300 na ang kada kilo ng carabao mango, P40 ang kada isang piraso ng mansanas, at mayroon ding tatlo sa halagang P100.
Nasa P50 naman ang kada isang piraso ng berdeng mansanas, P250 ang presyo ng kada kilo ng lansones at pinya.
Samantala, makakabili rin ng tatlong piraso ng lemon sa halagang P50, P35 ang kada kilo ng orange at peras habang nasa P250 hanggang P280 ang presyo ng ubas at cherry.
Ang isang piling ng saging na lakatan at latundan ay mabibili sa halagang P70 hanggang P150.
May nabibili namang basket of fruits sa halagang P1,000 hanggang P1,500.
Sinabi ng ilang fruit vendor, normal lang ang pagtaas ng presyo ng prutas lalo’t sa pagsalubong ng bagong taon. Asahan pa raw ang posible pang pagtaas ng presyo ng prutas sa pamilihan bago ang selebrasyon ng New Year. | ulat ni Rey Ferrer