Aminado ang Philippine Egg Board na nagkaroon nga ng pagtaas sa presyo ng itlog.
Paliwanag ni Francis Uyehara, pangulo ng Philippine Egg Board pangunahing dahilan ng pagtaas sa presyo ay kakulangan sa suplay.
Bunsod aniya ito ng pagkamatay ng mga manok dahil sa bird flu.
Katunayan ang pagtama ng bird flu sa Europe ay nakaapekto rin sa dami ng layer birds, habang ang ilan namang local producers, nagbawas ng mga manok para iwas lugi sakaling tamaan ng bird flu.
Ayon kay Uyehara, ang mga farm na tinatamaan ng bird flu ay inaabot ng isang taon bago maka recover.
Kaya naman inaasahan na sa unang bahagi ng susunod na taon ay unti-unti nang mararamdaman ang pagbaba sa presyo ng itlog.
Katunayan sa nakalipas aniya na anim na linggo, ay nag-stable na ang farm gate price ng itlog.
Sa ngayon batay sa weekly price monitoring ang average price ng kada piraso ng medium sized na itlog ay nasa 8 pesos. | ulat ni Kathleen Forbes