Inihayag ng Philippine Fireworks Association (PFA) na mas gumanda pa ang bentahan ng mga paputok at pailaw sa bansa ngayon kumpara sa mga nakalipas na taon.
Ayon kay PFA President Jovenson Ong, bagaman mataas ang demand ay nananatiling sapat ang suplay ng mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng paputok at pailaw.
Kumpara aniya sa nakalipas na taon na kahit mataas ang demand ay kakaunti lamang ang suplay ng mga paputok at pailaw kaya’t tumaas ang presyo nito.
Sa ngayon ani Ong, naglalaro sa 30 hanggang 40 porsyentong mababa ang presyuhan ng paputok at pailaw sa merkado at kahit pa magtaas ng presyo bago hanggang sa bisperas ng bagong taon ay maliit lamang ito.
Inihalimbawa ni Ong ang isang 16 shots na aerial fireworks ay nagkakahalaga ng P1,400 hanggang P1,500 ngayon kumpara sa P2,200 na presyo nito noong 2021.
Kaya naman, inaasahan nilang daragsa pa ang mga mamimili ng paputok sa Bocaue sa Bulacan hanggang sa Disyembre 31.
Kasunod nito, umapela si Ong sa publiko na tulungan ang lokal na gumagawa ng mga paputok at pailaw at huwag tangkilikin ang mga iligal na nagbebenta ng paputok. | ulat ni Jaymark Dagala