Tuloy-tuloy na ang usad ng iba’t ibang proyekto ng Maynilad at Manila Water upang masigurong walang magiging krisis sa suplay ng tubig sa Metro Manila sa kabila ng pag-iral ng El Niño.
Ayon kay Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office Chief Regulator Patrick Lester Ty, nakatutok na ito sa mga priority measures ng dalawang water concessionnaire pangtugon sa El Niño.
Sa panig ng Manila Water, kasama sa mga proyekto nito ang Wawa-Calawis Phase 1, at East Bay Phase 1-2, habang ang Maynilad naman ay nakatutok na rin sa limang proyekto kabilang ang Anabu Modified Treatment Plant, Poblacion Water Treatment Plant, at ang Putatan Modified Treatment Plant.
Kasama rin sa prayoridad ng Maynilad ang reactivation at konstruksyon ng mga bagong deep wells at pati na ang cross-border Arrangement sa Manila Water.
Ngayong taon, umabot na sa higit ₱11-bilyon ang capital expenditure spending ng Manila Water habang nasa ₱16.6-billion naman ang sa Maynilad.
Una nang tinukoy ng MWSS na inaprubahan nito ang hirit na dagdag-singil ng Maynilad at Manila Water sa 2024 para mapabilis ang mga proyekto ng mga ito na tutugon sa posibleng epekto ng El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa