Itinama ni House Committee on Constitutional Amendments Chair Rufus Rodriguez ang paniwala ni Senate President Juan Miguel Zubiri na maaaring mabago ang Konstitusyon sa pamamagitan ng pagpasa ng mga batas.
Kasunod ito ng pahayag ng lider ng Senado na makabubuti kung ipatutupad na lamang ng gobyerno ang Public Service Act (PSA) sa halip na isulong ang pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Sa ilalim ng PSA inaalis ang 40% restriction sa foreign ownership ng mga investment sa railways, airports, airlines, seaports, at telecommunications sa bansa.
“The Senate President is dead wrong on his stand that laws (statutes) can amend the Constitution. Of course not! Just amending the Public Service Act to change the constitutional provisions prohibiting or limiting foreign investments cannot and will not pass constitutional muster,” sabi ni Rodriguez.
Punto pa ng Cagayan de Oro solon paano mahihimok ang mga foreign company na mamuhunan sa bansa gayong kinukwestyon ngayon sa Korte Suprema upang kuwestyunin ang constitutionality ng PSA.
Nagugulat si Rodriguez sa aniya’y “obstructionist stance” o pagtutol ng Senado sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Aniya dapat mabahala ang bansa na pang walo lamang ang Pilipinas sa 10 bansa sa ASEAN pagdating sa Foreign Direct Investments kaya mas lalong dapat buksan ang ating ekonomiya para makapagpasok ng investment at makalikha ng dagdag na trabaho para sa taumbayan.
“Alarmingly, We have been overtaken by Vietnam and Cambodia. We are only ahead of Laos and Myanmar. We need to open our economy to attract much needed foreign investments in our country. We need to provide more employment opportunities to our people and more business taxes to finance our socials program,” diin nito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes