Magkakaiba ang pananaw ng ilan nating kababayan sa isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na firecracker ban ngayong selebrasyon ng Bagong Taon.
Ito’y matapos ang panawagan ni DILG Secretary Benhur Abalos sa mga LGU na magpasa ng mga ordinansa na nagbabawal sa mga paputok sa bahay at iba pang lugar.
Hinimok din ni Abalos ang local government units na mag-sponsor ng community viewings ng fireworks display.
Ilan sa nakapanayam ng RP1 team sina Eleo at Emma na hindi raw talaga nakasanayan ang magpaputok tuwing selebrasyon ng Bagong Taon kaya pabor sa panukalang ito.
Mas mainam na rin aniya ito para maiwasan na ang disgrasya lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay Ate Emma, bukod sa paputok, marami pang pampaingay na pwede namang opsyon gaya ng torotot at karaoke na mas ligtas at tipid pa.
Mayroon namang ilan na hindi gaanong sang-ayon sa mungkahi ng DILG.
Punto ni Carlo, nakasanayan na at naging bahagi na ito ng tradisyon ng maraming Pilipino tuwing New Year Celebration.
Duda rin si Mang Jun kung susunod ang lahat sa isinusulong na firecracker ban.
Nitong nakalipas na Bagong Taon, nakapagtala ang Department of Health ng 211 fireworks-related injuries. | ulat ni Merry Ann Bastasa