Umakyat na sa 70% ng mga Public utility Vehicle o PUV units sa bansa ang nakapag-consolidate na sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Ito ang iniulat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mas mataas na sa target ng programa na 65%.
Ayon sa LTFRB, katumbas na ito ng kabuuang 153,787 consolidated units ng PUJs, UV Express, Mini Bus, at mga bus.
Kumakatawan rin ito sa 262,653 na mga transport operator at drivers at 1,739 kooperatiba na bahagi na ng modernization program sa buong bansa.
Sa mga rehiyon sa bansa, ang Region 12 ang may pinakamataas na consolidation status na umabot na sa 100%.
Sinundan ito ng CAR, Calabarzon, at Central Office na may 90-91% consolidation status.
Ang Mindanao naman ang may pinakamataas na compliance rate sa industry consolidation na umabot na sa 64%.
Una nang nilinaw ng LTFRB na wala nang galawan pa ang nakatakdang palugit sa December 31 para sa Industry Consolidation na kabilang sa 10 components ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Maging si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay sinabi na ring mananatili ang deadline na December 31 dahil ang pag-antala pa sa programa ay makaaapekto na sa karamihan sa mga operator, mga pinansyal na institusyon, at sa publiko. | ulat ni Merry Ann Bastasa