Nag-abiso na ngayon ang Quezon City Local Government sa mga motorista sa posibleng pagbagal ng daloy ng trapiko sa kahabaan ng Elliptical Road pagsapit ng December 31.
Ito ay dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga manonood sa QC Countdown to 2024 na gaganapin sa Quezon Memorial Circle.
Inaasahang magsisikip ang trapiko bandang hapon dahil magsisimula ang programa sa Quezon Memorial Circle ng alas-4 ng hapon sa linggo.
Kaugnay nito, ide-deploy naman ng LGU ang
mga tauhan ng Traffic and Transport Management Department (TTMD) at Department of Public Order and Safety (DPOS) para maisaayos ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar.
Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan sa mga alternatibong ruta.
Samantala, bukod sa libreng concert, mayroon ding libreng sakay sa Q City Bus sa araw ng countdown para di na mahirapan ang mga manonood sa pagpunta at pag-uwi mula Quezon Memorial Circle.
Ayon sa LGU, extended ang operation ng Q City Bus service hanggang 2:00AM ng Lunes, January 1, 2024 sa mga sumusunod na ruta:
Route 1: Quezon City Hall (Kalayaan Ave.) – Cubao
Route 2: Quezon City Hall (NHA) – IBP/Litex
Route 4: Quezon City Hall (NHA) – General Luis
Route 5: Quezon City Hall (NHA) – Mindanao Ave. via Visayas Ave.
Route 6: Quezon City Hall (NHA) – Gilmore Ave.
Route 7: Quezon City Hall (NHA) – C5 / Ortigas Ave. Ext.
Route 8: Quezon City Hall (NHA) – Muñoz. | ulat ni Merry Ann Bastasa