Desidido ang Quezon City Police District (QCPD) na magsampa ng criminal at administrative charges laban sa mga nagpakalat ng video ng pumanaw na aktor na si James Ronald Dulaca Gibbs aka Ronaldo Valdez.
Direktiba ito mismo ni QCPD Chief Brigadier General Red Maranan alinsunod sa naging panawagan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na masusing maimbestigahan at makasuhan ang mga responsable sa pagpapakalat ng naturang video.
Ayon sa QCPD, lumalabas sa kanilang inisyal na imbestigasyon na ang video ay mula sa personnel ng Police Station 11 na siyang first responder sa crime scene.
Sa ulat naman ng Quezon City Anti-Cyber Crime Team, isa pang personnel ng PS 11 ang siyang nag-post ng video sa kanyang Viber group habang tatlong civilian Facebook accounts ang natukoy ring unang nag-upload sa Facebook ng video at compilation ng mga larawan mula sa insidente.
Habang ongoing ang cyber investigation, ni-relieve na sa posisyon ang PS 11 Station commander dahil sa posibleng command responsibility, maging ang dalawa pang opisyal ng istasyon.
Kabilang naman sa kasong kahaharapin ng mga ito ang paglabag sa P.D. 1829 (Obstruction of Justice); R.A. 10173 o Data Privacy Act of 2012, at Section 3, Paragraph K ng R.A. 3019. | ulat ni Merry Ann Bastasa