Muli na namang itinaas sa red alert status ang COVID-19 early warning system sa lungsod Quezon.
Ito’y matapos kakitaan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19. Mula Disyembre 4 hanggang 7, naitala ang daily average cases sa 27 na 57.9% na mataas kumpara sa nakalipas na linggo na daily average.
Nasa 14.55% na ang average positivity rate base sa isinagawang tests.
Habang ang average daily attack rate kada 100,000 population ay nasa .85 at ang tinatayang reproduction number ay 1.
Batay sa mga parameter ng early warning systems at sa kasalukuyang data ng COVID-19, itinaas ang red status alert dahil lumampas ang growth rate sa 50% at ang average na positivity rate ay lampas sa 5.
Iniugnay ni QCESU Chief Dr. Rolando Cruz ang pagtaas ng kaso sa get-together at parties ngayong Christmas season at ang pagluwag sa paghihigpit sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face masks.
Dahil dito, hinimok ni Mayor Joy Belmonte ang publiko na gawin ang mga personal precautionary measures tulad ng pagsusuot ng face mask at manatili sa loob ng bahay kapag nakararanas ng mga sintomas.
Hanggang Disyembre 7, may naitala nang 186 active COVID-19 cases sa Quezon City. | ulat ni Rey Ferrer