Pag-iibayuhin pa ng pamahalaan ang mga hakbang nito upang protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga overseas Filipino worker (OFWs).
Ito ang inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) makaraang ipagmalaki nito ang naitalang record high na remittance rate ng mga OFW ngayong taon.
Sa year-end report ng DMW ngayong araw, sinabi ni Migrant Workers Usec. Patricia Yvonne Caunan na nakapagtala ang Pilipinas ng $40 bilyong na remittance na naipasok sa bansa batay sa datos ng World Bank.
Mas mataas aniya ito kumpara sa $36 bilyong na naipasok na remittance ng mga OFW sa bansa noong 2019, panahon na bago pa man tumama ang pandemiya.
Sinabi naman ni DMW Officer-In-Charge, USec. Hans Leo Cacdac, mananatiling bahagi ng istratehiya ng DMW ang pagpapalago sa remittance na ipinapasok ng mga OFW sa bansa upang makatulong sa layunin ng pamahalaan na mapatatag ang ekonomiya. | ulat ni Jaymark Dagala