Hinikayat ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pamahalaan na obligahin ang revenue service agencies na ayusin at paigtingin ang kanilang pangongolekta ng buwis.
Ayon kay Zubiri, hindi ganoon kalaki ang itinaas sa budget sa taong 2024 na nasa ₱5.768 trillion kung ikukumpara sa pondo ngayong taon na nasa ₱5.4 trillion.
Katwiran dito ng senador, nasa ₱300 billion lamang ang itinaas sa pambansang pondo sa susunod na taon para hindi na lumobo pa ang utang ng bansa.
Aniya, nais nilang mabawasan na ang utang ng Pilipinas para hindi na maipamana ang malaking utang sa mga Pilipino.
Dahil pinanatili ng ehekutibo at ng lehislatura sa ‘small margin’ ang pambansang pondo, kailangan aniyang doblehin ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), GOCCs at lahat ng revenue agencies ang pagsisikap na makakolekta ng malaking kita para sa gobyerno.. | ulat ni Nimfa Asuncion