Nanindigan si National Security Adviser at National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) co-Vice Chair Sec. Eduardo Año na dapat ay walang “pre-conditions” ang exploratory talks sa pagitan ng pamahalaan at National Democratic Front of the Philippines.
Sa isang statement, sinabi ni Año na malugod niyang tinatanggap ang muling pag-uusap ng pamahalaan at NDFP, pero dapat ay walang ceasefire, walang pagpapalaya ng political detainee, at walang pag-alis ng terrorist designation.
Giit ni Año na hindi natitinag ang determinasyon ng pamahalaan na ipagtanggol ang mamamayan laban sa mga teroristang komunista sa kabila ng pagiging bukas sa pakikipag-usap sa mga kalaban.
Sa panig aniya ng NTF-ELCAC, tuloy-tuloy lang ang kanilang gagawing paghahatid ng batayang serbisyo, pagkakaloob ng kabuhayan, at pagtatayo ng imprastraktura sa mga “conflict-affected communities”.
Tuloy-tuloy din aniya ang kampanya ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na buwagin ang lahat ng armadong banta sa bansa. | ulat ni Leo Sarne