Nagsagawa na ng walk-through nitong Sabado ang Philippine National Police (PNP) kasama ang iba pang kinauukulang ahensya ng gobyerno sa ruta ng tradisyonal na Traslasyon bilang bahagi ng paghahanda para sa Pista ng Itim na Nazareno sa January 9.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo, mayroon nang security template na sinusunod ang PNP sa ganitong klase ng mga aktibidad, pero dahil sa nangyari sa Marawi, magiging mas istrikto sila sa pagpapatupad ng seguridad.
Sa ngayon aniya ay wala pang impormasyon ang kanilang threat assesment, at depende sa magiging security concern ang antas ng paghihigpit.
Kung kakailanganin aniyang maglatag ng signal jammer, ay masyado pang maaga para masabi.
Tiniyak naman ni Fajardo na “on board” ang lahat ng ahensyang panseguridad ng gobyerno, gayundin ang mga namamahala sa Quiapo Church para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng lalahok sa aktibidad. | ulat ni Leo Sarne