Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong i-develop ang defense industry ng Pilipinas at palakasin ang lokal na produksyon ng mga armas at iba pang kagamitan ng Sandatahang Lakas.
Sa botong 20 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag-abstain, inaprubahan na ng Mataas na Kapulungan ang Senate Bill 2455 o ang panukalang Self-Reliant Defense Posture Act.
Sa ilalim ng naturang panukala, layong bawasan na ang pagdepende ng Pilipinas sa mga dayuhang supplier ng mga defense equipment sa pamamagitan ng pagmamandato sa estado na itaguyod ang preferential use sa mga gawang Pinoy na mga materyales at produkto.
Inaasahang sa tulong ng naturang panukala ay mahihikayat ang mga local manufacturer at makakagawa ng mas maraming employment opportunities sa mga Pilipino.
Itinatakda rin nitong itatag ang Office of the Undersecretary for Defense Technology Research and Industry Development (DTRID) sa ilalim ng Department of National Defense (DND).
Gayundin ang pagbuo ng isang Self-Reliant Defense Posture program kung saan nakapaloob ang pag-aalok ng insentibo sa mga manufacturer na magtayo o mag-relocate ng produksyon dito sa Pilipinas at magtitiyak rin ng proteksyon ng mga local manufacturers at assblers laban sa unfair competition. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion