Sa gitna ng ulat ng Philippine General Hospital (PGH) na tumaas ng 36% ang kaso ng COVID-19, muling nanawagan si Senate Committee on Health Chairperson Christopher “Bong” Go sa publiko na ugaliin pa ring magsuot ng face mask para makaiwas sa virus at iba pang karamdaman.
Sinabi ni Go na bagama’t boluntaryo ang pagsusuot ng face mask maliban sa healthcare facilities ay mas makabubuting magdoble ingat pa rin.
Pinaalala ni Go na kung hindi naman sagabal, kahit ang may malusog na pangangatawan ay magsuot ng mask upang maiwasang magkasakit lalo’t hindi lang COVID-19 ang dapat iwasan kundi maging ang iba pang nakakahawang respiratory diseases.
Hindi aniya ito proteksyon para lang sa ating sarili kundi para na rin sa mga kasama sa bahay na mga matatanda, may sakit at mga may commorbidity.
Muling naman iginiit ng senador na maaari silang magpatawag ng hearing para marinig ang mga kinauukulan, lalo na ang Department of Health (DOH) para busisiin ang mga paghahanda sakaling tumaas pa lalo ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion