Muling hiniling ni Senate Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go sa pamahalaan na tutukan ang problema sa mental health sa bansa.
Ito ay sa gitna aniya ng bilang ng mga Pilipino na nangangailangan ng mental health assistance dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Binigyang-diin ng senador, na sa ngayon ay tumaas ang mga naitatalang may mental health problems kabilang na ang mga may anxiety, depression, at iba pang mental health conditions.
Muli ring binanggit ng mambabatas ang datos ng Department of Education (DepEd) noong 2021 kung saan 404 na mag-aaral ang nag-suicide, at may 2,147 ang nagtangkang magpakamatay.
Dahil dito, napapanahon na aniyang ipasa ang mga panukala na naglalayong mabantayan ang mental health issues.
Kabilang na rito ang panukala ng senador na magkaroon ng mental health offices sa mga paaralan at magtalaga ng mga trained guidance counselors. | ulat ni Nimfa Asuncion