Pinaalalahanan ni Senate Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go ang publiko na tiyakin ang kalusugan at kapakanan ngayong holiday season.
Payo ni Go sa lahat, maghinay-hinay sa mga handaan at huwag maging sobra sa pagkain.
Sinegundahan ng senador ang paalala ni Health Secretary Teodoro Herbosa na umiwas sa mga ‘MA’ foods o ang mga pagkaing masyadong mataba, maalat, at matamis.
Sa halip ay dapat aniyang panatilihin ang isang balanced diet para makaiwas sa anumang komplikasyon sa kalusugan.
Ito lalo na aniya sa gitna ng patuloy na laban ng ating bansa sa diabetes at mga kumplikasyon nito, na maaari pang mauwi sa heart attack, organ damage, at hypertension.
Kasabay nito, nagbabala rin si Go laban sa paggamit ng mga fireworks at iginiit na dapat sumunod sa payo ng mga health officials.
Binigyang-diin rin ng Senate Committee on Health chairperson ang mataas na banta ng respiratory diseases ngayong flu season na sinabayan ng mas malamig at maulang panahon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion