Hinikayat ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang publiko na suportahan ang Metro Manila Film Festival (MMFF) at ang local film industry ng Pilipinas.
Bilang miyembro ng executive committee ng MMFF, nanawagan ang senador sa mga Pilipino na suportahan ang lokal na pelikula, sining at kultura ng bansa, partikular sa panahon ng MMFF.
Ayon kay Go, ang MMFF ay hindi lang isang tradisyon tuwing Pasko kung hindi isa ring mahalagang bahagi ng ating industriya ng pelikula.
Ipinamamalas aniya nito ang galing, talento at pagiging malikhain ng mga Pinoy filmmaker.
Ipinunto ng senador, na malaking hamon ang kinakaharap ng film industry dahil sa pandemya pero sa tulong ng pagtangkilik sa pelikulang Pilipino ay matutulungan natin ang industriya na makabangon at sumiglang muli.
Samantala, isinusulong din ni Go ang pagpasa ng Senate Bill 1183 o ang panukalang Media and Entertainment Workers Welfare Act.
Layunin nito na mapahusay ang proteksyon, seguridad at insentibo para sa media at entertainment workers sa bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion